Pinayuhan ng Malacañang si Vice President Leni Robredo na buksan ang mga mata at tenga kaugnay sa ginagawang tugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.
Una ng inihayag ni VP Robredo na hindi dapat na umasa ang pamahalaan sa pagsusuot ng face mask at bakuna laban sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, balewala kasi lahat kay Robredo ang mataas na testing rate ng pamahalaan.
Ayon kay Sec. Roque, balewala rin kay Robredo ang contact tracing ng pamahalaan at ang pagtatayo ng mga isolation center pati na ang paggamit sa mga eskwelahan at mga hotel.
Pero wala naman daw bagong suhestiyon si Robredo dahil ang mga inilatag na solusyon ay ginawa na ng pamahalaan.
“At siyempre po, tayo po ay nagtayo na ng One Hospital Command Center na talagang nagbibigay ng referral service kung saan magpupunta ang mga may kailangan ng medical attention, balewala rin po yan kay Vice President at sa oposisyon. Sila po, wala daw po tayong ginagawa. Well sila lang ata ang hindi nakakaalam kung anong ginagawa ng gobyerno. Buksan po ang mga mata, at buksan po ang mga pandinig,” ani Sec. Roque
“Wala pong bago, pinapatupad na yan ng gobyerno. Again, buksan po ang mata, buksan po ang pandinig nang hindi inuulit ang mga pinatutupad na ng gobyerno.”