Hinimok ngayon ng isang senador ang mga ahensya ng gobyerno na simulan na ang pagpapalakas ng public awareness at confidence para sa COVID-19 vaccine.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, mahalagang maibalik ang tiwala ng taongbayan bago pa man dumating sa bansa ang gagamiting bakuna.
Isinisisi ng senadora sa ipinakakalat na misinformation ng ilang tao ang pagkatakot ng ilan sa pagsasailalim sa vaccination programs.
“Importanteng pakinggan ang takot ng mga tao para maayos nating matutugunan ang kanilang mga alinlangan. Kilala ng mga BHW ang mga komunidad nila, so we should work closely with them. An important part also of restoring confidence in vaccination is ensuring that all verified information is translated in the local tongue,” wika ni Hontiveros.
Matatandaang lumabas sa isang survey na 31 percent ng mga Filipino ang ayaw magpabakuna dahil sa sari-saring rason.
Ayon naman kay Sen. Grace Poe, napakahalaga ng bakuna at kailangan itong makarating agad sa mga mamamayan, lalo na ang mga nasa sektor na lantad sa sakit.
Aniya, ito ang rason kaya tinapyasan nila ang ibang programa ng pamahalaan, para matiyak lamang na may pambili tayo ng bakuna na sasapat sa bilang ng mga Filipino.