-- Advertisements --

Wala umanong basehan ang kontrobersyal na pahayag ni Navotas Representative Toby Tiangco na kaya pinapa-impeach si VP Sara Duterte ay dahil sa hindi ito maaaregalo ng 1 million percent.

Giit ni House Committee on Public Order and Safety at Manila 2nd District Rep. Rolan Valeriano, ang tanging papel ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ay ang magdesisyon sa apat na impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.

Binalikan ng mambabatas ang paghahain ng complaint laban kay VP Sara kung saan nagsagawa ang Justice Committee ng mga serye ng pagdinig para lamang matukoy kung mayroong sapat na porma, nilalaman, at batayan ang mga naturang reklamo.

Naniniwala ang Manila lawmaker na ang naging desyon ng kaniyang mga kapwa mambabatas ay salig sa mga nilalaman ng mga naturang reklamo at hindi dahil sa anumang isyu ng korapsyon na posibleng kanilang kinasasangkutan.

Sa katunayan aniya, nakatali rin ang kamay ng mga mambabatas sa kung ano ang rules na itinatakda ng naturang komite, kaya’t hindi makatwirang akusahan sila ng isa pang mambabatas na ang kanilang pagboto ay dahil sa posibleng pagkakasangkot nila sa korapsyon.

Una na ring bumuwelta ang iba pang miyembro ng Kamara kay Tiangco, kasunod ng kaniyang kontrobersyal na pahayag.

Sa nauna ring panayam ng Bombo Radyo kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, sinabi niyang ang mga bumoto na may sufficient form, substance, at grounds sa dalawang reklamo laban kay VP Sara ay wala ring kinasasangkutang isyu ng korapsyon, di tulad ng ibang mga mambabatas na napasama sa flood control scandal at iba pang isyu.