Kinontra ni House Prosecution Panel spokesperson Atty. Antonio Audie Bucoy ang pahayag ni Senate Pres. Francis Escudero na walang limitasyon ang kapangyarihan ng impeachment court.
Una nang sinabi ni Escudero na ang impeachment court ay may malawak na Constitutional authority para magpasya sa anumang mosyon.
Gaya ng patungkol sa desisyon na i-remand o ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Vice Pres. Sara Duterte.
Sa pagharap ni Atty. Bucoy sa media, sinabi nito na mayroong limitasyon sa Saligang Batas pati sa mismong impeachment rules, kaya hindi pwedeng “bardagulan” ito.
Dagdag pa ni Bucoy na hindi pwedeng porke’t “sui generis” o unique/kakaiba ang usapin ay pwede nang gawin ang lahat ng gusto.
Paglilinaw nito na hindi maaaring mag-utos na lamang ng kahit ano, dahil mali ito at dapat alinsunod sa parameters ng Konstitusyon ang lahat.
Inihayag nito na sa mga susunod na araw ay magfa file ang prosecution panel o maglalahad ng mga kaukulang pleading na maaring isang mosyon o manifestation.