CENTRAL MINDANAO – Tatlo na ang nasawi sa mga mga local terrorist na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) dahil sa patuloy na pagtugis ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Matatandaan na sinalakay ng grupo ni Kumander Karialan Saga Animbang at Kumander Motorola ng BIFF ang Brgy Poblacion, Datu Piang, Maguindanao.
Sinunog ng mga rebelde ang sasakyan ng mga pulis, police outpost at walang habas na nagpaputok sa mga kabahayan.
Target umano ng BIFF ang chief of police ng Datu Piang.
Papasok pa lang ang BIFF sa town proper ay nakasalubong na ito ng mga nagpapatrolyang pulis at mga tauhan ng 6th Infantry Battalion Philippine Army.
Kahit out-numberd ang mga sundalo at pulis laban sa tinatayang 50 BIFF ay lumaban ito ng sabayan hanggang dumating ang reinforcement ng 6th IB kaya umatras ang mga terorista na karamihan ay mga kabataan.
Nais din sanang gayahin ng BIFF ang pagsalakay ng Maute terror group at Abu Sayyaf sa Marawi City ngunit bigo sila dahil agad itong natunugan ng mga sundalo katuwang ang mga pulis.
Hinikayat naman ni Datu Piang Mayor Victor Samama ang kanyang mga kababayan na maging vigilante matapos ang nangyaring pag-atake ng BIFF.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang BIFF sa hangganan ng mga bayan ng Datu Piang at Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao.