-- Advertisements --

Si dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang siyang nag-impluwensya kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 national elections, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Duterte kumbensido siyang “desisyon” ni Marcos ang pagtakbo ng kanyang anak sa pagka-bise presidnete.

Kahapon, Nobyembre 13, nagpadala ang alkalde ng Davao ng kanyang kinatawan para maghain ng kanyang certificate of candidacy sa pagka-bise presidente, sa ilalim ng Lakas CMD.

Ito ay nangyari dalawang araw naman matapos siyang manumpa sa naturang partido at kanyang pagkalas sa regional party na Hugpong ng Pagbabago.

Samantala, sinabi ni Pangulong Duterte na asahang mag-aanunsyo din siya hinggil sa kanyang magiging desisyon kung siya ba ay tatakbo na rin sa pagka-bise presidente o hindi.

“In a matter of hours, you would know. I will make an announcement. Baka. Ito ano lang, para malaman ng tao na hindi ko nagustuhan ‘yung nangyari. Hindi ko naman siya (Sara) sinisisi kasi ‘di kami nag-usap,” saad ng Pangulo.

Ito ay kasunod na rin nang sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na maghahain si Pangulong Duterte ng kanyang COC bukas, Nobyembre 15.