-- Advertisements --

Nakaamba umano ang pagtaas ng presyo ng lokal at imported na bigas sa mga suunod na buwan.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), dulot ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng abono, krudo at iba pang pangangailangan sa produksyon ng bigas.

Nabatid na mula sa dating P17 hanggang P19 na production cost sa kada kilo ng bigas ay posibleng sumipa na sa P24 kada kilo.

Dagdag pa rito ang gastos sa trucking papunta sa pamilihan o iba pang bagsakan ng produkto.

Bunsod nito, pinangangambahang tataas sa P46 ang presyo ng kada kilo ng well-milled rice na nasa P38 sa kasalukuyan.

Habang sa iba pang tindahan ay nasa P50 hanggang P55 na ang halaga ng kada kilo nito, lalo na kung may sari-sariling packaging ang isa hanggang dalawang kilo.