-- Advertisements --
IMG 20200922 080023

Umalma ang ilang motorista sa plano ng Manila Development Authority (MMDA) na isara ang 13 U-turn slots sa kahabaan ng EDSA sa susunod na tatlong buwan para bigyang daan ang mga bagong bus lane.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sa taxi driver na si mang Lito Velga, kapag isasara raw ang ilang U-turn slots posibleng pagdudaan sila ng mga pasahero dahil baka isipin ng mga itong inilalayo nila ang mga pasahero sa kanilang mga destinasyon.

Maliban dito, problema rin daw nila ang kanilang konsumo sa gasolina sakaling isara ang mga U-turn slots dahil mapapalayo ang kanilang ruta bago ang susunod na U-turn.

Una rito, sinabi ni Assistant Secretary Celine Pialago, MMDA spokesperson na tatlong U-turn slots ang isasara sa Caloocan City partikular ang General Tinio U-turn slot, De Jesus Street/8th Street paliko ng kaliwa at General Malvar U-turn slot.

Ang mga apektadong motorista ay dapat kumurba sa Monumento Circle (Northbound papuntang southbound) at Balintawak Cloverleaf (Southbound papuntang northbound) papuntanta sa kanilang mga destinasyon.

Sa Quezon City pitong U-turn slots ang isasara kabilang na ang Balintawak Market U-turn slot sa harap ng BPI, Kaingin Road U-turn slot sa harap ng Nissan, Congressional LRT Station U-turn slot sa harap ng PANORAMA, Corregidor intersection/Bansalangin U-turn slot, U-turn slot sa harap ng Quezon City Academy, North Avenue U-turn slot bago ang MRT-North Avenue at Santolan/Boni Serrano U-turn slot sa harap ng Camp Crame. 

Sa Makati City, isasara ang Buendia U-turn slot sacilalim ng Kalayaan Flyover.

Sa Pasay City, dalawang U-turn slots ang isasara partikular sa P. Celle U-turn slot at U-turn slot dito sa Roxas Boulevard malapit sa Heritage Hotel.

Samantala, target naman ng MMDA na dagdagan ang bumibiyaheng bus sa EDSA lalo na ngayong mayroong nakikitang kakulangan sa mga bumibiyaheng bus kasabay ng mahigpit namang pagpapatupad ng social distancing.

Ayon kay MMDA Traffic Chief Bong Nebrija, sa ngayon sinisikap na ng MMDA na maparami ang bibiyaheng bus sa EDSA lalo na’t dumarami na ang mga mananakay.