Nanindigan ang PDP Laban Cusi faction na walang paglabag sa batas o maging sa kanilang party by laws ang pagtatalaga muna ng kandidato bilang bise presidente, sa halip na mismong presidential candidate ang unahin.
Matatandaang tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang nominasyon para sa VP candidacy.
Ayon kay party acting secretary general Atty. Melvin Matibag, kanya-kanyang estilo lamang ang mga grupo, kaya maaari din nilang gawin ang ganito para sa kanilang panig.
Iisa rin daw ang nasa kanilang short list ng presidential bet at ito ay si Sen. Christopher “Bong” Go.
Sa panig ni Sen. Koko Pimentel, iisa nga ang kanilang kandidato sa pagka-presidente at ito ay si Sen. Manny Pacquiao.
Sakaling tanggapin umano ito ng mambabatas, siya na rin ang pipili ng kaniyang magiging ka-tandem.
Sa ngayon, ilang pangalan na rin ang binanggit ni Pimentel na dadalhin nila bilang senatorial candidates.
Kabilang dito sina Rep. Lucy Torres at Atty. Lutgardo Barbo, habang guest condidates naman sina Sens. Migz Zubiri at Joel Villanueva.