CAGAYAN DE ORO CITY – Pagpapasok ng karagdagang multi-national investments at pagtatayo ng mga tinawag na ‘big ticket items’ o mga proyekto ang magsisilbi umanong instrumento para masawata ang kahirapan na patuloy tumama sa rehiyon ng Mindanao.
Ito ang kabilang sa mga pagsisikapan ni House committee on Mindanao Affairs chairman at Misamis Oriental 2nd District Cong. Bambi Emano na maisulong kasama ang Mindanao Development Authority (MinDA) para sa kapakanan ng lahat.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng kongresista na naniwala ito na maibsan lang kung hindi man tuluyang matuldukan ang kaguluhan sa ilang bahagi ng rehiyon kung sagana sa maraming trabaho at ibang hanap-buhay ang taga-Mindanao.
Sinabi ni Emano na kasama ang Mindanao Bloc lawmakers ay mas mapagaan ang pagsusulong nila na maging patas naman ang alokasyon ng pondo para isla katulad sa tinatamasa ng mga Luzon at Visayas.
Umaasa ang kongresista na pamamagitan nang pinag-isang layunin ng Mindanao district at partylist representatives ay makabuo sila ng mga hakbang na talagang aahon sa kasalukuyang kalagayan ng buhay.
Magugunitang maliban sa mga syudad ng Davao,Cagayan de Oro at Zamboanga, malaking bahagi pa ng Mindanao ay kulang ang kaunlaran dahilan na hindi maiwasan na ilang ang kalat-kalat na kaguluhan .