-- Advertisements --

Kinumpirma ni Aklan 1st District Congressman Jesus Marquez na matutuloy na ang pagkakaroon ng Philippine Science High School o Pisay Campus sa unang distrito ng Aklan.

Ito ay matapos na napirmahan na ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang batas na magbibigay-daan sa mas maraming Pisay scholars sa buong Pilipinas.

Aniya ang Republic Act No. 12310, o ang “Expanded Philippine Science High School System Act,” ay naglalayong madagdagan ang Pisay campuses sa bawat rehiyon sa bansa kabilang na ang Aklan.

Naniniwala umano ang kanyang amang si dating Cong. Carlito Marquez, Chairperson ng House Committee on Science and Technology noong 19th Congress na magbibigay ito ng pagkakataon sa mga kabataan na maging STEM scholars, isang mahalagang puhunan para sa kinabukasan ng bansa.

Sa ilalim aniya ng Republic Act No. 12310, ay maglalagay ng tig-dalawang campus ng PSHS sa bawat rehiyon ng bansa.

Layunin ng batas na palakasin ang PSHS bilang nangungunang paaralang pang-sekondarya sa larangan ng Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) education.