Pinaghihinay-hinay ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang mga nagsusulong ng dagdagan ang kapangyarihan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ayon kay Drilon, dapat matiyak na hindi ito magagamit sa panggigipit sa ilang hindi kaalyado ng mga nasa puwesto.
Giit ng senador, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay minsang naghinala na pinupulitika siya ng AMLC.
Inilabas ng minority leader sa Senado ang kaniyang saloobin, kasunod ng hirit na subpoena powers ng nasabing tanggapan.
Dito ay ipatawag ang mga tao o ipakuha ang mga dokumento na kailangan sa imbestigasyon para mas mahusay na mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga dirty money.
Hinihiling din ng AMLC ang buong kapangyarihan na magpa-freeze ng assets, kahit pinaghihinalaan pa lang na sangkot sa money laundering ang isang tao.
Pero paglilinaw nito, nais din nilang mapalakas ang batas laban sa money-laundering, pero kailangan umano itong maging maingat laban sa mga pag-abuso sa kapangyarihan.