Nakatakdang magsagawa ng online meeting ang PBA Board ngayong linggo upang talakayin ang mga opsyon ng liga matapos masuspinde ang season dahil sa coronavirus pandemic.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, ito ang unang beses na magpupulong ang lupon mula nang kanilang ipatigil muna ang mga laro at ensayo kasunod ng pagsasailalim sa Luzon sa enhanced community quarantine.
Inihayag ni Marcial, hindi pa raw niya nakikita na magpapatuloy muli ang mga laro sa lalong madaling panahon.
Kaya naman, lumulutang ngayon ang posibilidad na makansela ang ilang events gaya ng D-League Aspirants’ Cup, at matapyasan na lamang sa dalawang conference ang kasalukuyang season.
Magsasagawa aniya ang lupon ng assessment sa sitwasyon, at pag-aaralan raw nila nang husto kung ano ang nararapat na gawin.
Wika pa ni Marcial, posibleng sa Hunyo ang pinakamaagang balik ng PBA dahil kinakailangan pang mabigyan ng sapat na oras ang mga koponan para makapaghanda sa Philippine Cup.
“Ang nakikita kong pinaka-maagang balik ng PBA ay June. Kasi even if the country is able to flatten the COVID-19 curve in April or May, I have to give our teams a month of practices before we resume play,” ani Marcial.
Magtatapos sana sa unang bahagi ng 2021 ang kasalukuyang PBA season bago ang COVID-19 threat.
Sa ilalim ng two-conference format, magagawa ng liga na tapusin ang 45th season nito sa kaparehong time frame.