Ipinag-utos ngayon ng Department of Transportation (DOTr) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mas pagaanin pa nito ang proseso at requirements para sa PUV Modernization Program sa bansa.
Sa gitna ito ng kaliwa’t kanang reklamo’t pag-aray ng mga driver at operator sa buong Pilipinas na pangunahing maaapektuhan ng nasabing programa.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ito ay upang mas maraming mga tsuper at operator ang makalahok at ma-accomodate ng naturang programa.
Aniya, sa ganitong paraan daw kasi ay posibleng mas mahimok pa ng pamahalaan ang mas maraming transport group na i-adapt ang PUV Modernization Program.
Layon din nito na mas ipaintindi pa sa mga ito ang dahilan at mabuting maidudulot ng isinasagawang pagsasaayos ng gobyerno sa mga pampublikong transportasyon sa bansa.
Matatandaan na una nang sinabi ng kagawaran na bukas sila sa personal na pakikipagdayalogo sa mga transport groups upang personal na maipalam sa mga ito ang mga nilalaman ng nasabing modernization program at bigyang linaw din ang kanilang mga alalahanin pagdating sa usapin ng total phase out ng mga traditional jeepney sa Pilipinas.