-- Advertisements --

Magkasunod na araw na inihain ang apela ni Sen. Leila de Lima sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 205 upang hilingin na ibasura ang dalawa sa tatlong aniya’y gawa-gawang kaso ng iligal na droga dahil bigo umano ang prosekusyon na makapagpresinta ng matibay na ebidensiya.

Noong Enero 7 nang unang ihain ng kampo ni De Lima ang “Demurrer to Evidence” sa Criminal Case No. 17-166, kung saan kasama niyang akusado rito si Jose Adrian “Jad” Dera.

Nakasaad dito na dapat umanong itigil ang kaso laban sa senadora dahil wala naman umanong naipresenteng matibay na pruweba ang prosekusyon, matapos iharap ang 21 na testigo at sangkatutak na dokumento sa korte.

Giit ni De Lima, hindi na umano kailangang magpatuloy ang kanyang mga abogado sa paghahain ng kanilang depensa dahil nananatiling espekulasyon lamang ang mga bintang ukol sa diumano’y transaksyon sa pagitan niya at ni Dera.

Enero 8, naghain muli sa korte ang kampo ng Senadora ng pagbasura sa Criminal Case No. 17-165 na inaakusahan sa pagtanggap ng P5 milyon noong Nobyembre 24, 2012 at P5 milyon noong Disyembre 15, 2012 na galing umano sa transaksyon ng iligal na droga sa New Bilibid prison para pondohan ang pagtakbo sa pagka-Senador ni De Lima.

Kasama niyang akusado ang dating driver na si Ronnie Dayan. Para sa kampo ni De Lima, matapos ang mahigit tatlong taon ng paglilitis, walang naipakitang ebidensya mula sa mga testimonya ng mga testigo na magdidiin sa Senadora.

Binago ng prosekusyon ang naunang sinampang kaso laban sa Senadora, mula sa “illegal drug trading” ay ginawa itong “conspiracy to trade illegal drugs” dahil sa kawalan ng anumang patunay sa droga na ibinenta diumano.

Tanging testigo aniya na nagsabing nagpadala ng pera sa kanya ay ang dati nitong kapwa akusado sa kaso na si Rafael Ragos, na siyang dating Officer-in-Charge ng Bureau of Corrections, ngunit bigo naman itong patunayang tumanggap nga ng pera si De Lima.

Binigyan diin ni De Lima na hindi kailanman nangyari iyon at imbento lang ito ni Ragos. Dating akusado si Ragos sa naturang kaso ngunit kinuha siya ng prosekusyon para gawing testigo laban sa Senadora.

Itinuring pa ni De Lima si Ragos bilang “weakest link” sa kaso ng prosekusyon, dahil ito ang may pinakamalaking rason o pakinabang para baguhin ang testimonya, para lang umayon sa kanyang personal na interes.

Lalo pa umanong nawalan ng kredibilidad si Ragos dahil sa mga ebidensyang iprinisenta ng prosekusyon, kabilang ang mga testimonya ng iba pa nilang mga testigo gaya ni NBI intelligence agent Jovencio Ablen, Jr., dating PNP Intelligence Chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong, at mga convict na sina Hans Anton Tan, Vicente Sy at Peter Co.

Para sa panig ng mambabatas, maganda itong tutukan para malaman kung ano at sino ang mga pangunahing karakter, aktor at artista na nasa likod ng pagkakakulong ng senadora, ng halos apat na taon sa susunod na buwan.