Tuloy ang pagpapa-aresto ng Senado kay dating Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) chief Usec. Llyod Christopher Lao.
Sa kabila ito ng pakiusap ng dating opisyal na alisin na ang arrest order, dahil dadalo na siya sa susunod na hearing ng blue ribbon committee.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, agad nilang ibinasura ang apela ni Lao, dahil napagbigyan na raw nila ito sa ilang pagkakataon, ngunit paulit-ulit na binabalewala ang kanilang mga subpoena.
Nagsimulang lumiban si Lao, nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng gabinete na huwag nang sumipot sa Senate inquiry.
Pero giit ng blue ribbon panel, hindi naman bahagi ng Duterte cabinet ang dating PS-DBM head, kaya obligado pa rin itong humarap sa mga ipinapatawag na pagdinig.
Sa ngayon, wala pang panibagong naitatakdang hearing ang lupon ukol sa multi-billion deal ng PS-DBM sa Pharmally.
Habang ang mga opisyal naman ng pharmaceutical company ay nananatiling nakakulong sa Senado, partikular na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani at director ng kompaniya na si Linconn Ong.