-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Inatasan ngayon ni Datu Montawal Maguindanao Mayor Datu Otho Montawal si Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Officer Bal Kadiding na agad palikasin ang mga nakatira sa gilid ng ilog at mga mababang lugar sa bayan sa nararanasang matinding pagbaha.

Dulot ito ng malakas na buhos ng ulan dahil sa sama ng panahon.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig at pag-apaw ng Pulangi River ay binaha ang mga nakatira sa gilid ng ilog at mga mababang lugar.

Sa Tunggol Bridge ilang dipa na lamang at aabutin na ng baha ang tulay.

Maraming kabahayan na rin ang lubog sa baha,mga ari-arian at mga pananim.

Agad namang umaksyon ang LGU-Datu Montawal sa pamumuno ni Mayor Datu Otho Montawal at Vice-Mayor Datu Vicman Montawal kung saan namigay ito relief goods at bigas sa mga pamilya na apektado ng baha.

Maraming mga residente sa bayan ng Datu Montawal ang lumikas at pansamantalang nakatira sa gilid ng national highway.

Samantala binaha rin ang Pagalungan Maguindanao lalo na yong mga Barangay na malapit sa ilog.

Sa ngayon ay nagsagawa na ng flood assessment ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga bayan sa probinsya ng Maguindanao na sinalanta ng baha.