Naniniwala si House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon 1st District Representative Mark Enverga na malaki ang magiging “gain” sa agriculture and technology trade ang paglagda ng Pilipinas sa Free Trade Agreement sa Australia at New Zealand.
Ayon kay Rep. Enverga magiging maganda ang prospective para sa sektor ng agrikultura sa paglagda sa nasabing kasunduan.
Lalo at maraming mga magagandang technology ang Australia na nais nilang dalhin sa Pilipinas.
Sinabi ni Enverga sa katunayan may pinopondohan na ang Australia na mga programa sa ating bansa.
Sa kabilang dako, sa panig naman ni 1Rider Partylist Rep. Rouge Gutierrez ang paglagda sa Free Trade Agreement ay patunay na mayruon pa ring trend sa globalization na malaking bagay para lumago pa ang ekonomiya ng bansa.
Inihayag ng mambabatas na sa mga nangyayari ngayon masasabing nasa tamang direksiyon ang Pilipinas.
Ayon naman sa Malakanyang ang nasabing kasunduan ay asahang mabigyan ng magandang oportunidad para sa micro,small and medium enterprises.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang naghayag na nilagdaan nila ang second protocol sa ASEAN-Australia-New Zealand Free Trade Agreement.
Kumpiyansa si Pang. Marcos na ang AANZFTA ay patuloy na tutugon sa mga umuusbong na multidimensional na hamon sa kapaligiran ng negosyo at umakma sa mga pagsisikap ng rehiyon-sa-rehiyon na palakasin ang katatagan ng supply chain, ang pagpapalawak ng kalakalan at pamumuhunan, pagiging kasama at napapanatiling pag-unlad.