CAUAYAN CITY- Pinangangambahan ng Santiago City Health Office (CHO) ang kakulangan ng LGU Quarantine Facility dahil sa pagtaas ng nagpopositibo sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Health Officer Dr. Genaro Manalo, sinabi niya may mga bakante pang lugar para sa mga isasailalim sa LGU quarantine facility subalit pinangangambahan ngayon ang pagtaas ng bilang ng mga kataong dadalhin sa mga naturang lugar dahil sa dami ng mga direct contact ng mga nagpositibo.
Tanging isang paaralan at ang government facility sa Barangay Balintocatoc ang ginagamit ng CHO na lugar para sa mga may pakikisalamuha sa mga COVID-19 positive.
Kung tuloy-tuloy ang paglobo ng kaso sa Santiago City ay posibleng magkulang ang kanilang pasilidad.
Batay sa pinakahuling talaan ng CHO Santiago, nasa 162 ang namamalagi sa LGU quarantine facility maliban pa sa mga pinakahuling nagpositibo.
Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang pagtanggap nila sa mga dumarating na locally stranded individuals (LSI) at returning overseas filipinos (ROF) dahil hindi rin maaring ihinto lalo na ngayong yuletide season.