-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinagulat umano ni Provincial Governor Imelda Dimaporo ang biglaan na pag-anunsyo ng Department of Health (DoH) na kabilang ang Lanao del Norte mula sa tatlong probinsya ng Northern Mindanao na ’emerging hot spot’ ng coronavirus disease pandemic.

Ito ay matapos unang ina-anunsyo ni DoH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaring lolobo ang mga residente na mag-positibo ng virus sa Misamis Occidental, Bukidnon at Lanao del Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lanao del Norte provincial govt spokesperson Lyndon Calica na kailanman ay wala umanong nangyaring local transmission ng bayrus na maging basehan ng ahensiya na itrato ang kanilang lugar ng emerging hot spot.

Inihayag ni Calica na totoong mayroon sila naitala na 30 residente ng positibong kaso subalit dalawa lamang sa mga ito ang nahawaan ng virus na nagmula mismo sa kanilang locality habang ang 28 rito ay lahat local stranded individuals o returning OFWs na naka-avail sa balik probinsya program ng gobyerno.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng DoH-Northern Mindanao na ipaabot ang pag-angal ng gobyernong probinsyal ng Lanao Norte upang malaman ang basehan kung bakit napabilang ito sa emerging hot spot province.