Ikinalugod ni Finance Secretary Ralph Recto ang naging pagkilala ng Japan Credit Rating Agency (JCR) sa patuloy na pag-angat at paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkilalang ito, lalo na sa konteksto ng matagumpay na pagpapatupad ng pamahalaan ng mga fiscal consolidation measures.
Ayon kay Recto, ang hakbang na ito ay siyang pangunahing dahilan kung bakit nanatili ang Pilipinas sa high investment-grade credit rating na ‘A-’ na may stable outlook.
Paliwanag ng kalihim ang pagpapanatili ng rating na ito ay isang malinaw na “vote of confidence” o pagtitiwala sa development agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ipinapakita nito na may malaking potensyal ang mga plano at programa ng kasalukuyang administrasyon para sa pagpapaunlad ng bansa.
Ang ‘A-‘ rating na ibinigay ng JCR ay sumasalamin sa matatag na macroeconomic fundamentals ng Pilipinas. Ito ay nagpapakita ng malakas na kakayahan ng bansa na makabayad sa kanyang mga obligasyon at utang.
Ibig sabihin nito, dahil sa mataas na credit rating, mas mababa ang magiging gastos ng pamahalaan sa pangungutang.
Bukod pa rito, inaasahan din na mas maraming foreign direct investments (FDIs) ang papasok sa bansa, na magdudulot ng mas maraming trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin din ni Recto na ang mataas na tiwalang ito ng mga credit rating agencies ay direktang pakikinabangan ng taumbayan.















