-- Advertisements --

Ipinauubaya na ng Bureau of Corrections (BuCoR) sa pamilya ng dating pulis na si Jonel Nuesca ang magiging lamay at libing nito, matapos bawian ng buhay sa national penitentiary.

Ayon kay BuCor spokesman Asec. Gabriel Chaclag, maaaring ibyahe ang bangkay ng dating pulis patungo sa kaniyang pamilya dahil hindi naman ito nasawi dahil sa COVID-19.

Sa inisyal na pagtingin ng mga otoridad, walang foul play sa pangyayari, ngunit kailangan pa ring ilabas ang official autopsy report sa oras na ito ay matapos na.

Ipinagtanggol din ng BuCor ang kanilang ginagawang pangangalaga sa kalusugan ng mga bilanggo.

Giit ni Chaclag, bagama’t hindi pa tapos ang upgrading ng kanilang NBP Hospital, hindi naman maiuugnay dito ang pagkasawi ni Nuesca dahil heart attack naman ang nakikitang sanhi ng pagpanaw nito.

Nais din ng kawanihan na maagang mailabas ang autopsy report para mapawi na ang mga espikulasyon sa pagkamatay ng kontrobersyal na pulis.

Si Nuesca ay nahatulan ng pagkakabilanggo dahil sa pagbaril-patay nito sa mag-inang kapit-bahay nila sa lalawigan ng Tarlac noong 2020.