Tinuligsa at tinawag na illegal ng mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na pabor kay Senador “Manny” Pacquiao ang isinagawang halalan ng mga bagong opisyal ng kanilang partido nitong Sabado ng hapon sa Clark, Pampanga.
Ito ay matapos ideklara ng PDP-Laban ang posisyon ni Pacquiao bilang bakante at kalaunan ay nahalal si Energy Secretary Alfonso Cusi bilang bagong pangulo.
Pinangunahan mismo ni Cusi at ng kanyang paksyon ang nasabing event na dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isinagawa nilang sabay-sabay na Zoom assembly, mahigit 100 PDP-Laban chapter ang tumuligsa nito.
Idinagdag ng mga ito na lahat ng mga aksyon na nagawa sa panahon ng “iligal na pagpupulong” ay walang bisa at epekto sa partido dahil hindi ito pinahintulutan ng mga miyembro at ni Pacquiao.
Ayon sa PDP-Laban community leader in Bulacan at party cadre na si Jovel Lopez, nagtaka sila kung bakit dumarami ang nagsusulputang politiko na nagsasabing sila ay miyembro ng PDP.
Igiinit nito na sila ang orihinal na miyembro ng partido at naitsapwera sila ng partido.
Nagbabala si Lopez na hindi sila basta-basta makakapayag na ang mga sabit sa grupo ay mamayagpag sa partidong kanilang itinayo.
Samantala, sinabi naman ni Cagayan de Oro City Council President Marlo Tabac na suportado si Pacman ng karamihan ng mga kasapi ng PDP-Laban.
Si Tabac ay kilalang PDP-Laban “grassroots leader” sa Mindanao. (Bombo Jane Buna)