Inihayag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang pagkadakip kay dating Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy Co ay isang malinaw na mensahe na mahuhuli ang mga nagtatago sa batas.
Sa isang statement, sinabi ng House Speaker na isang mahalagang hakbang ang pagka-aresto kay Co tungo sa hustisiya, na sumasalamin sa commitment ng administrasyon na mapanagot ang mga sangkot sa iskandalo sa maanomaliyang infrastructure projects.
Malinaw aniya na walang lugar ang korapsiyon sa ilalim ng liderato ng Marcos administration, base sa tinuran ng pangulo sa kaniyang State of the Nation Address (SONA).
Ang pananagutan aniya ay dapat ilapat sa lahat, lalo na sa mga pinagkakatiwalaan ng kaban ng bayan.
Ayon pa sa House Speaker, ipagpapatuloy ng Mababang Kapulungan ang trabaho nito na matugunan ang mga hinaing ng taumbayan sa gitna ng tensiyon sa Gitnang Silangan kasabay ng pagtugon sa mga usapin may kaugnayan sa pagkakaaresto ni Co.
Matatandaan, nauna nang kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Huwebes ng gabi na naaresto na si Co at nasa kustodiya ng mga awtoridad sa Prague, Czech Republic matapos harangin habang nagtatangkang pumasok sa bansa nang wala umanong kaukulang dokumento.
















