-- Advertisements --

Ikinalugod ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pagiging bukas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na makipag-ayos kay Vice President Sara Duterte at sa pamilya nito.

Ayon kay Escudero, malinaw ang mensahe ni Pangulong Marcos na ngayon ang panahon para magbuklod-buklod at hindi magsunog ng tulay para aniya sa ikabubuti ng ating bayan.

Sa pag-amin aniya ng pangulo na bukas siya sa pakikipag-ayos kay VP Sara at sa pamilya nito, ipinapaalala ng punong ehekutibo na ang kapakanan ng sambayanang Pilipino ay dapat laging mangibabaw kaysa sa personal na alitan at hidwaang pampulitika.

Kumporme rin ang liderato ng Senado sa panawagan ni Pangulong Marcos Jr na isantabi ang pulitika at ituon ang pansin sa mga pangangailangan ng mga Pilipino

Hindi dapat aniya magpalamon sa pulitika ang mga pinuno ng ating bansa habang maraming Pilipino ang naghihirap at pilit na binubuhay ang kanilang pang-araw-araw.

Kinikilala ni Escudero ang pagpapakumbaba ng Pangulo sa pagkilala na ipinapakita ng kamakailang resulta ng halalan na pagod na ang ating mga kababayan sa alitan at nais nila ng isang pamahalaang nakatuon sa kanilang pangangailangan—hindi nababahala sa mga drama ng pulitika.