-- Advertisements --

Maj Gen Jose Faustino

Malugod na tinanggap ni outgoing Defense Secretary Delfin Lorenzana ang paghirang ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay dating AFP chief ret. General Jose Faustino bilang incoming officer-in-charge ng Department of National Defense.

“I welcome the selection of former AFP chief of staff Gen. Jose Faustino Jr., as the incoming OIC of the Department by the President-elect,” mensahe ni Sec. Lorenzana.

Si Gen. Faustino ay manunungkulan bilang Senior Undersecretary ng DND at magsisilbing OIC ng kagawaran hanggang sa kanyang pag-upo bilang kalihim sa Nobyembre 13, pagkalipas ng isang taon na ban sa pag-appoint ng mga retired military officers.

Sinabi ni Lorenzana na sasabak agad sa trabaho si Faustino matapos na magretiro sa AFP nito lamang nagdaang Nobyembre.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Lorenzana na dahil sa mahabang pagseserbisyo sa militar ni Faustino, ay matagumpay niyang maisusulong ang mga nasimulang programa at proyekto ng militar.

Partikular aniya ang mga may kinalaman sa internal security at external defense operations, at AFP modernization program.

Sinabi ni Lorenzana na inaabangan niya na makatrabaho si Faustino at ang kanyang team sa “transition period” hanggang sa Hunyo 30.

“I am confident that with his years of dedicated service as a military officer, Gen. Faustino will continue the Department’s momentum in our internal security and external defense operations, as well as the modernization of the armed forces and the entire defense organization,” dagdag pa ni Sec. Lorenzana.