-- Advertisements --

Tiniyak ng mga senador na hindi maaapektuhan ng kanilang kagustuhang mapaalis ang ilang opisyal ng Department of Health (DoH) sa pagpasa ng mga batas na parte ng COVID response ng pamahalaan.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, kabilang ang DoH sa bibigyan nila ng higit na atensyon upang mapabilis ang pag-apruba sa ilalaang pondo rito ng Department of Budget and Management (DBM).

Kabilang din sa inaasahang bubuhusan ng alokasyon ay ang “Build, Build, Build” program na inaasahang magpapasigla ng ating ekonomiya.

Sa panig naman ni Sen. Risa Hontiveros, ibig pa niyang bigyan ng dagdag na kapangyarihan ang DoH, para mapabilis ang proseso ng paglalaan ng dagdag na bed capacity sa mga ospital.

Kung sa kasalukuyang batas kasi ay obligado pang idulog sa Kongreso para mabigyan ng poder ang isang pagamutan na lakihan ang kapasidad na tumanggap ng mga pasyente.

Para sa mambabatas, sa panahon ng pandemic, mas kailangan ng agarang tugon, kaysa sa pagsasailalim pa ng mga bagay na ito sa masalimoot na proseso.