-- Advertisements --
image 143

Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na posibleng matapos na sa Hunyo 19 ang paghigop sa natitirang langis mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.

Ayon kay PCG Spokesperson Armand Balilo, sinimulan na ang siphoning operations ngayong linggo at naputol na ang metals sa paligid ng lumubog na tangke.

Naglalaman aniya ang oil tanker ng walong mga tangke ng industrial fuel.

Dagdag pa ng PCG official na plano sa susunod na linggo na butasan ang tangke at sipsipin ang mga natitirang langis.

May dalawa pa kasi aniya na kumpleto pa ang lamang langis at target na matanggal ito ng tuluyan para hindi na tumagas pa.

Base aniya sa kanilang assessment mayroon pang dalawang tangke na nananatiling intact.

Inilarawan naman ng PCG official ang nasabing operasyon na very efficient.

Matatandaan na aabot na sa mahigit tatlong buwan mula ng lumubog na motor tanker na naglalaman ng nasa 900,000 litro ng industrial fuel na tumagas noong Pebrero 28 hanggang sa ito ay kumalat at nagdulot ng perwisyo sa kabuhayan ng mga mangingisda at kanilang pamilya sa mga apektadong baybayin.

Sa datos noong Abril, sa Pola pa lamang sa Oriental Mindoro aabot sa P130 million ang naitalang pinsala mula sa oil spill .

Kung saan nasa 4,800 mangingisda at kanilang pamilya ang apektado at ilang mga residente ang nakaranas ng respiratory illness.