Nadagdagan pa ang mga petisyong inihain sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa House of Representatives.
Ito na ang ikaapat na petisyon kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa Bise Presidente. Ang unang tatlong petisyon ay magkakahiwalay na inihain ni VP Sara mismo, grupo ng mga abogado at iba pang grupo na binubuo rin ng mga abogado at mga pribadong mamamayan.
Sa 34-pahinang petisyon nina Hue Jyro Go, Micah De Guzman, at Jake Leoncini, hiniling nila ang Temporary Restraining Order (TRO) o injunction para ipatigil ang pagtalakay sa ika-3 at ika-4 na impeachment complaints, kabilang ang pag-isyu ng subpoena.
Iginiit ng mga petitioner na iligal umano ang sunod-sunod na subpoena at pangangalap ng ebidensiya na wala sa reklamo, na tinawag nilang “fishing expedition,” at paglabag sa Konstitusyon at Impeachment Rules.
Kinuwestiyon din nila ang malawakang paghingi ng State of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na wala umanong direktang kaugnayan sa mga alegasyon.
Ayon pa sa petitioners, may kakulangan sa “fair play” dahil sa umano’y bias ng ilang mambabatas, na maituturing na grave abuse of discretion.
Inatasan naman na ng Korte Suprema ang Kamara at House Committee on Justice na magsumite ng komento.














