-- Advertisements --

Itutuloy “as planned” ang state visit sa Estados Unidos nina King Charles III at Queen Camilla, ayon sa Buckingham Palace, kahit pa nagkaroon ng pamamaril sa Washington, D.C. na nagdulot ng pangamba sa seguridad.

Sa pahayag ng Palasyo, sinabi nitong napagdesisyunan ang pagpapatuloy ng biyahe matapos ang konsultasyon sa pagitan ng U.K. at U.S., kung saan inaasahang magkakaroon ng kaunting pagbabago sa ilang aktibidad dahil sa mas pinaigting na seguridad.

Ang insidente ay naganap sa White House Correspondents’ Association dinner kung saan nagtangkang pasukin ng armadong lalaki ang venue at nagpaputok ng baril.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng target ng suspek si U.S. President Donald Trump, na dumalo sa naturang okasyon kasama si U.S. First Lady Melania Trump. Ligtas namang nailikas ang mga ito pati ang iba pang opisyal.

Ipinahayag ng Buckingham Palace na nagagalak si King Charles nang malamang walang nasaktan sa mga dumalo, at pribado rin umanong nakipag-ugnayan ang royal couple sa pamilya Trump upang ipahayag ang kanilang prayer sa mga naapektuhan ng insidente.

Nasa apat na araw ang planong pagbisita ng hari at reyna, na inaasahang may kasamang mahahalagang aktibidad tulad ng pakikipagpulong sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa bansa at pagbisita sa 9/11 memorial sa New York gayundin ang pagdalo sa fallen US and UK soldiers sa Virginia.

Gayunpaman, hindi pa tiyak kung alin sa mga ito ang mababago ang schedule dahil sa banta ng seguridad.

Tiniyak naman ng mga awtoridad sa Amerika na sapat ang kanilang kakayahan upang maprotektahan ang pag-bisita ng Hari at Reyna sa Estados Unidos.