Posible umanong si U.S. President Donald Trump ang isa sa mga target sa naganap na pamamaril sa White House Correspondents’ Dinner, ayon kay acting U.S. Attorney General Todd Blanche.
Sa isang panayam, sinabi ni Blanche na patuloy pang iniimbestigahan ang motibo ng suspek, ngunit batay sa paunang findings, layunin umano nitong puntiryahin ang mga opisyal ng administrasyon, kabilang ang Pangulo ng Amerika.
Ayon sa mga ulat, armado ang suspek at nagtangkang lampasan ang security checkpoint sa venue bago nagpaputok ng baril, na nagdulot ng kaguluhan at agarang paglikas ng mga opisyal at panauhin.
Kinilala ng U.S. media ang suspek na si Cole Tomas Allen, 31-anyos mula California. Siya ay agad na naaresto at inaasahang sasampahan ng kaso, kabilang ang posibleng tangkang pagpaslang sa pangulo at pag-atake sa isang federal officer.
Sinabi rin ni Blanche na tila hindi nakipagtulungan ang suspek sa mga awtoridad, habang sinusuri pa ang mga ulat na binuo nito ang baril sa loob ng hotel at naglakbay patungong Washington, D.C. bago ang insidente.
Isang ahente ng U.S. Secret Service ang nasugatan sa pamamaril ngunit agad ding na-discharge mula sa ospital. Ayon sa ahensya, nakatulong ang suot nitong ballistic vest upang maiwasan ang mas malubhang pinsala.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Trump na maaaring may kaugnayan sa relihiyon ang insidente at inilarawan ito bilang “strongly anti-Christian,” bagama’t hindi pa ito kinukumpirma ng mga imbestigador.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na nananatiling hindi pa tiyak ang motibo ng suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.















