-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development ( DSWD) Region 2 na hindi maaaring hatiin o kolektahin ang P3,000.00 na tulong pananalapi para sa mga lubhang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa Lambak ng Cagayan.

Kasunod ito ng reklamo ng mga nakatanggap ng ayuda na matapos ang distribusyon ng DSWD ng naturang tulong ay nangolekta ang opisyal ng isang barangay sa Ilagan City ng P1,300.00 sa mga benepisyaryo.

Puwersahan umano itong kinuha sa mga benepisyaryo subalit pinabulaanan naman ito sa Bombo Radyo Cauayan ng inirereklamong Barangay Kagawad.

Aniya, hahatiin ang naturang pera para mabigyan din ng tulong ang ilan niyang nasasakupan na hindi napasama sa listahan.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Asst. Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na hindi maaring hatiin ang mga ayuda na kaloob ng pamahalaan dahil labag ito sa batas.

Aniya, kung ano ang pinirmahan ng benepisaryo sa kanilang mga payroll ay ito din dapat ang kanyang matatanggap na ayuda.

Maari lamang na hatiin ang ayuda kung kasama ng benepisaryo sa kanilang bahay ang kanyang kahati.

Dahil dito, kailangan aniyang ibalik ng mga opisyal ng barangay ang mga nakolekta nilang pera sa tunay na benepisyaryo ng ayuda.

Sinisikap aniya ng DSWD Region 2 na mapasama sa pangalawang bugso ng programa sa buwan ng Enero ang iba pang naapektuhan ng pagbaha na hindi napasama sa listahan.