Suportado ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio ang paghahain ng ikalawang arbitration case laban sa China kaugnay ng mga aksiyon nito sa Bajo de Masinloc.
Maaalalang si Carpio ay isa sa mga pangunahing personalidad sa likod ng arbitration case noong 2016 na nagresulta sa tagumpay ng Pilipinas at nagpawalang-bisa sa nine-dash line claim ng China sa halos buong pinagtatalunang karagatan, bagama’t hindi ito kinikilala ng Beijing.
Ayon kay Carpio, ang natuklasang floating platform ng China sa Bajo de Masinloc ay maaaring simula ng mas malalaking istruktura, katulad ng ginawa nito sa Fiery Cross Reef at Mischief Reef na kalauna’y ginawang artificial island at mga base militar.
Iginiit niya na kung hindi matutumbasan ng Pilipinas ang lakas ng militar ng China, dapat nitong gamitin ang batas at palakasin ang suporta ng international community sa pamamagitan ng panibagong paborableng desisyon mula sa isang international tribunal.
Samantala, sinabi ng National Maritime Council na patuloy nilang minomonitor ang mga aktibidad ng China sa Bajo de Masinloc at nakabatay sa magiging pagsusuri ng mga kinauukulang ahensya ang susunod na hakbang ng gobyerno, kabilang ang posibleng paghahain ng kaso.















