-- Advertisements --

Namataan ng mga awtoridad ng Pilipinas ang isang Chinese research vessel na humihila ng movable floating platform palabas at pabalik sa Bajo de Masinloc sa isinagawang maritime patrol nitong Lunes.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nakita rin ang isang Chinese service boat na muling naglagay ng floating barrier sa entrada ng shoal na umano’y humahadlang sa pagpasok ng mga mangingisdang Pilipino.

Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela na posibleng ginagamit ang floating platform sa marine scientific research ng China, bagama’t hindi pa tiyak ang layunin nito.

Iginiit din niyang wala pang nakikitang palatandaan ng reclamation sa lugar.

Sa naturang pagpapatroliya, ilang beses ding nagbigay ng radio challenge ang isang Chinese warship sa eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ngunit iginiit ng mga Pilipinong piloto na nagsasagawa sila ng lehitimong maritime patrol sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Patuloy namang magsasagawa ng monitoring at patrol ang BFAR at PCG habang ipinagpapatuloy ng pamahalaan ang diplomatiko at legal na hakbang upang ipagtanggol ang soberanya at karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.