Nakatanggap na ng impormasyon ang Department of Health (DoH) ukol sa madalas na tanong, ukol sa paggamit ng magkakaibang bakuna.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, may mga sumalang na sa paggamit ng tatlong klase ng bakuna sa ibang bansa, ngunit wala namang nakitang masamang epekto sa mga inoobserbahang personalidad.
Gayunman, kung dito aniya mangyayari sa Pilipinas ang paggamit ng multiple vaccine, hiwalay itong oobserbahan para matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente.
Matatandaang una nang itinanong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Food and Drug Administration (FDA), kung maaari pang magpabakuna ng ibang brand ang mga unang naturukan, kapag dumating na sa bansa ang may mas mataas na efficacy rate.
Sinasabing ilang personalidad na nabakunahan na sa bansa ang nais pa ring sumailalim sa panibagong vaccination, dahil mababa raw ang bahagdan ng pagiging epektibo ng nagamit nilang COVID vaccine.