Ipinagpatuloy ngayon ng Kamara ang paghimay sa panukalang Charter change (Cha-cha), sa kabila ng mga pagtutol ng ilang grupo, maging ng ibang mambabatas.
Ayon kay House committee on constitutional amendments chairman at Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, wala siyang nakikitang mali sa hakbang ng kanilang lupon, para mabago ang ilang parte ng saligang batas.
Para kay Garbin, mahalagang mabago ang economic provisions, upang makapasok ang foreign investments na makakatulong sa pagbuhay ng ating ekonomiya, ngayong may umiiral na pandemya.
Tiniyak din nitong economic matters lang ang aamyendahan at hindi ang pinangangambahang term limits at iba pang political provisions.
Umalma rin ang partylist congressman sa patutsada ng mga senador, na hindi raw sila maaring magdeklara na ang komite ay umaakto na bilang Constituent Assembly (Con Ass).
Giit ni Garbin, walang pakialam ang mga senador sa bagay na ito, dahil magkaiba sila ng sinusunod na rules.
Bukas, ang Senado naman ang may nakatakdang hearing ukol sa panukalang Cha-cha.