Hindi umano tuloy sa susunod na linggo ang pagdinig ng Department of Justice (DoJ) preliminary investigation kaugnay ng umano’y paglabag ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III sa quarantine protocol.
Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, ang tentative at na-reset na date ay sa Hunyo 18.
Una rito, sinabi ng DoJ na ang tentative date sa pagdinig ay isasagawa sa Mayo 20 ngayong taon o sa araw ng Miyerkules sa susunod na linggo.
Nag-ugat ang reklamo dahil umano sa pagiging pabaya si Sen. Pimentel nang nagtungo ito sa Makati Medical Center sa panahong siya pala ay positibo sa covid dahilan para malagay sa peligro ang publiko lalo na ang mga health workers ng naturang ospital na umasikaso sa kanilang mag-asawa.
Una rito, sa pamamagitan ng electronic filing, sinampahan ng abogado sa DoJ si Pimentel ng kasong paglabag sa RA 11332 at ang implementing rules and regulation ng naturang batas maging ang ilang regulasyon ng Department of Health (DoH).
Sa ilalim ng R.A. 11332 o mandatory reporting of notifiable diseases and health events of public health concern act, maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ang isang indibidwal na lumabag sa btas mula P20,000 hanggang P50,000.