-- Advertisements --

Sinibak sa serbisyo ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang 11 pulis na sangkot umano sa mga operasyon kontra droga at sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Kabilang sa mga tinanggal sa puwesto ang ilang opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP) mula sa Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kabilang sina PLtCol Ryan Jay Orapa, PMaj Mark Phillip Almedilla, PSMS Mark Anthony Manrique, PSSg. Edmon Muñoz, PSSg. Robert Allan Raz Jr.,PSSg. Denar Roda, PCpl. Alric Natividad, PCpl. Reynaldo Seno Jr., PCpl. Ronald John Lanaria, Pat. Rufino Panghulan, at Pat. Develyn.

Ayon sa NAPOLCOM, napatunayang guilty ang mga pulis sa dalawang bilang ng grave misconduct at dalawang bilang ng conduct unbecoming of a police officer kaugnay ng magkahiwalay na reklamo ng umano’y pagdukot sa ilalim ng mga operasyon kontra droga noong nakaraang administrasyon.

Batay sa reklamo nina Milagros Estacio at Elizabeth Sotto noong Setyembre 3, 2025, inakusahan ang ilang pulis ng pagdukot sa kanilang mga anak sa magkakahiwalay na operasyon noong 2021.

Hiwalay na kaso rin ang kinakaharap ng ilan sa mga sinibak na pulis kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero noong 2021 hanggang 2022, kabilang sina Dane Mark Carlos at Charles Dean Sotto, na umano’y dinukot sa mga pekeng anti-drug operations at hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.

Ayon kay NAPOLCOM Chair Rafael Vicente Calinisan, ang kidnapping ay isang mabigat na krimen na maituturing na pagtataksil sa tiwala ng publiko at hindi dapat palampasin.

Samantala, sinabi ng PNP na iginagalang nila ang desisyon ng Pambansang Komisyon ng Pulisya at patuloy ang kanilang internal cleansing campaign laban sa mga tiwaling opisyal ng kapulisan.