Magdaragdag ng kanilang testing at contact tracing efforts ang Department of Health (DoH) dahil sa pinangangambahang paglobo ng COVID-19 cases sa mga evacuation centers.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, marami silang natatanggap na impormasyong hindi na nasusunod ang minimum health protocols sa mga lugar na matinding napinsala ng mga nagdaang bagyo.
Sa lungsod ng Marikina, na pangunahing nasalanta dahil sa malakas na hangin at baha, inamin ni Mayor Marci Teodoro na hindi na napairal ang kinakailangang social distancing at pagsusuot ng face mask.
Naging prioridad na kasi na maagaw ang kanilang mga kababayan mula sa bingit ng kamatayan, lalo na ang mga sinagip mula sa baha.
Aminado naman si Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi madali ang paghahanap sa mga bagong na-expose sa virus dahil may ibang mga kaso na nagpapakita lamang ng sintomas pagkalipas ng apat o limang araw.