CAUAYAN CITY- Ipagbabawal na ang pagbebenta at pagbili ng paputok sa bayan ng Aglipay, Quirino sa pamamagitan ng Executive Order na inilabas ni Mayor Jerry Agsalda.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station na kahapon ay inilabas ni Mayor Jerry Agsalda ang Executive Order No. 038 series of 2020 na nagbabawal sa pagbebenta at pagbili ng paputok gayundin ang torotot sa pagdiriwang ng pasko at pagsalubong sa bagong taon sa naturang bayan.
Pangungunahan ng pulisya ang pagpapatupad sa naturang kautusan.
Pinayuhan nila ang mga tao na kung nakabili na o bibili pa lamang ay huwag na lamang ituloy para mapangalagaan hindi lamang ang kalikasan kundi para maging maayos ang pagdiriwang ng pasko at pagsalubong sa bagong taon.
Ayon sa kanya, ipagbabawal din ang pagbili at pagbebenta ng torotot bilang pag-iingat sa COVID-19.