-- Advertisements --

DEPED1

Ikinatuwa ng ilang opisyal ng Department of Education (DepEd) Taguig ang pagkaka-absuwelto ng Office of the Ombudsman sa isinampang kaso laban sa kanila ng ilang indibidwal na nauna ng sinampahan ng kasong graft and corruption.

Sa tatlong pahinang desisyon ng Ombusdman, naabsuwelto sina Dr. Romulo Rocena, dating School Division Superintendent; Dr. Carleen S. Sedilla, dating Assistant School Division Superintendent; Dr. George P. Tizon – Chief Supervisor, Atty. Analiza Esperanza – Legal Officer; Norman Quinn Arezza – Supervisor; Kitche Altamia – Administrative Officer V, Rebeca Balaquit – Budget Officer; Rhea Ison – Accountant at Jesus Bautista.

Dahil dito magsasampa naman ng P14 milyon civil lawsuit ang mga nasabing indibidwal sa mga taong nagsampa sa kanila ng kaso bilang moral at exemplary damage.

Ibinasura ng Ombusdman ang kaso dahil wala silang nakikitang iregularidad o anumang iligal sa ginawa ng mga idinimandang Dep Ed officials.

Ang nasabing kaso ay may kinalaman sa umanoy iregularidad sa bidding para sa procurement ng food and accommodation para sa kanilang tatlong araw na ICT seminar na ginawa noong Agosto 23-25, 2018.

Ang mga nagsampa ng kaso na sina Marcial Sison, Nestor Ramos, Bernadeth Bautista, Ma. Lenny Manaoat, pawang mga DepEd Taguig supervisors, ay nauna ng na demote dahil sa kasong graft and corruption, kasama din na nagsampa ng reklamo si Irma San Pedro at ang librarian na si Joseph Son.

Nabatid na nag-ugat ang kaso matapos na hilingin ng mga nagreklamong mga DepEd Supervisors na ibasura na ang kasong graft and corruption na isinampa laban sa kanila matapos na mangolekta sila ng tig-50 sentimo kada estudyante sa lahat ng eskwelahan sa kanilang distrito mula pa noong 2017.

Dahil dito, sinampahan ng kasong graft and corruption ng ilang school principals ng Taguig City ang mga nasabing supervisors.

Dahil sa nasabing kontrobersiya, sinisilip na ng Office of the Ombudsman ang posibilidad na ang nasabing raket ay ipinatutupad din sa ibang school divisions.