-- Advertisements --

Naaayon sa ‘political character’ at ‘impeachment proceedings’ ang ginawang pag-remand o pagbalik ng impeachment court sa Kamara ng kopya ng mga reklamo laban kay Vice President Sara Duterte. 

Ito ang paglalarawan ng isang constitutional law expert na si Florin Hilbay. 

Aniya, ang impeachment ay isang prosesong pampulitika, at ang hakbang na ginawa ng Senado — bagamat bago — ay akma sa likas na katangian ng prosesong ito. 

Sa huli, ang lahat aniya ng remedyo ay pampulitika rin at maaaring tuluyang mapunta sa mismong kamay ng taumbayan.

Dagdag ni Hilbay, ang naging hakbang ng Senado ay magbbigay daan sa Kamara na  “muling suriin” ang articles of impeachment. 

Kung tatanggihan man ng mababang kapulungan ang muling pagsusumite, wala nang ibang magagawa ang Senado kundi ituloy ang paglilitis.

Una rito, matapos ang mahabang deliberasyon sa impeachment court kagabi, nagdesisyon na ang mga senator-judges na i-remand o ibalik sa House of Representatives ang impeachment complaint laban kay Duterte.

Si Senator-judge Alan Peter Cayetano ang nagmosyon kung saan 18 senator judges ang pumabor, 5 ang tumutol, at walang nag-abstain upang ipabalik ang impeachment case laban sa bise presidente.