Walang kumpas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pag-urong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa June 11 ng presentasyon ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Orihinal na nakatakda ngayon, Hunyo 2, ang presentasyon ng House prosecution panel ng pitong articles of impeachment laban kay Duterte at sa Hunyo 3 naman magco-convene ang Senado bilang impeachment court.
Sa pulong balitaan, nilinaw ng pangulo ng Senado, na uunahin nila ang priority bills na kailangang maipasa bago matapos ang 19th Congress.
Iginiit din ng senador na walang kinalaman sa pananatili nya bilang liderato ng Senado ang desisyon sa iskedyul ng impeachment.
Ngunit inamin niyang nakikipag-usap na sya sa mga kapwa niya senador na kaibigan naman daw nya mula sa 19th at 20th Congress.
Pero matagal pa raw ang 20th Congress para pag-usapan ang senate presidency.
Nanindigan din si Escudero na ang plenaryo ang magtatakda ng takbo ng impeachment trial laban kay Duterte.
Binigyang-diin ng senador na bagama’t ang Senate President ang maaaring magtakda ng iskedyul sa umpisa, ang plenaryo pa rin ang pinakamataas na katawan na magpapasya kung paano isasagawa ang mga proseso at direksyon ng impeachment court.
Nilinaw ng mambabatas na ang pag-urong ng presentasyon ng articles of impeachment ay hindi pabor o laban sa prosekusyon at defense dahil hindi naman aniya nito nahahadlangan ang kakayahan ng Senado na isulong ang impeachment trial.
Tiniyak naman ng senador na magtitipon ang Senado bilang isang impeachment court kapag napagdesisyunan na ito ng plenaryo.