-- Advertisements --

Kahit wala pa raw ang resulta ng Senado sa isinasagawang imbestigasyon sa “ninja” cops issue ay sinimulan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pag-review sa kaso ng mga ito.

Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, kabilang sa ire-review ang kaso ay si PNP Chief Oscar Albayalde.

Aniya, pagbalik niya dito sa Pilipinas ay makikipagpulong siya sa mga abogado ng National Police Commission (NAPOLCOM) at DILG Legal Service para alamin kung ano na ang status ng mga kaso ng 13 iba pang pulis na dawit sa kuwestiyunableng anti-illegal drugs operation sa Pampanga noong 2013.

Siniguro naman ng DILG na magkakaroon ng “thorough” at “fair” na imbestigasyon kay Albayalde.

Una rito, inanunsiyo ng Malacañang na nais ng Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin muna ng Kongreso ang kanilang imbestigasyon sa umano’y ninja cops bago magsagawa ng aksiyon.

Kahapon, nanawagan na rin si Sen. Richard Gordon na dapat umanong sumailalim sa isang lifestyle check si Albayalde at 13 iba pang pulis.