-- Advertisements --

Iginiit ng isang Constitutional Law Expert na mayroon naging iregularidad sa ginawang pagproseso ng senado na siyang umuupo bilang korte sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Jennifer Arlene Reyes, ibinahagi nito na base umano sa saligang batas, masasabing nagkaroon ng iregularidad sa ginawang hakbang ng senado.

Kung saan kanyang binigyang diin ang nakapaloob sa Artcle 11 ng 1987 Philippine Constitution na nagsasabing kailangan masimulan ng agaran ang nakatakda sanang impeachment trial.

Aniya’y ito ang mandato ng konstitusyon na dapat umanong sundin at tuparin ng mga senador na siyang umuupo bilang hukom o senator judges ng senate impeachment court.

Kaya’t nararapat lamang raw na simulan na ang paglilitis ng naturang korte sa mga alegasyong ipinaparatang kay Vice President Sara Duterte.

Dagdag pa rito’y ibinahagi din ng naturang abogado na si Atty. Jennifer Arlene Reyes na ang isinagawang hakbang na pag-remand ay maituturing na pointless dahil sa nagsanhi umano ito ng pagka-delay sa impeachment trial.

Paliwanag pa niya na ang pagbeberipika sa ‘Articles of Impeachment’ kung naayon ito sa konstitusyon na siyang dahilan ng pag-remand ay maari namang gawin habang nasa impeachment proceedings.

Ito ang kanyang mariing paniniwala kasabay ng pagbibigay diin na ang pagkwestyon sa House of Representatives ukol sa isinumite nitong ‘articles of impeachment’ ay mapag-uusapan lalo na sa pagpapatuloy ng paglilitis.

Kaya’t bunsod nito’y kanyang inihayag na ang pag-remand ng senate impeachment court ay maituturing na walang kabuluhan sapagkat nagdulot lamang ito ng pagkaantala.