Isang malaking insulto ang ginawa ng Senado sa pag remand o sa pagbabalik sa Articles of Impeachment sa House of Representatives na lilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam kay Camarines Sur Representative Gabriel Bordado, sinabi nitong nakakainsulto ang ginawa ng Upper Chamber gayong ang Senado at House of Representatives ay co-equal body kaya dapat lamang bigyan ito ng respeto.
Dahil dito, naniniwala si Bordado na nais ng Senado isupervise ang House of Representatives.
Sinabi ni Bordado ginawa ng mga Kongresista ang lahat, lumagda sila dahil naniniwala silang tama ito at maging ang mga dokumento na kanilang isinumite.
Ayon kay Bordado nakakadismaya ang nasabing hakbang ng Senado.
Giit ng Kongresista ito ang unang pagkakataon na ibinalik sa Kamara ang Articles of Impeachment.
Giit ni Bordado umaasa pa naman siya na tatalakayin ng Senado ang impeachment trial pero laking gulat niya sa pag iba ng ihip ng hangin.
Tinuran din ni Bordado ang sinabi ng isang senadora na kung mayruon mang pagdududa sana nagpadala na lamang ng clarificatory communications sa House of Representatives at hindi ibalik ito.