-- Advertisements --

Suportado ni PRO-7 regional director B/Gen Val Deleon ang desisyon ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa na sibakin sa pwesto ang tatlong matataas na opisyal ng Central Visayas dahil sa paglabag sa kautusan ng PNP chief.

Ito ang inihayag ni De Leon matapos ianunsyo ni Gamboa ang pagkakasibak sa pwesto nina PRO-7 Chief Comptroller Col. Dennis Artil, PRO7 Finance Service chief Lt Col. Richard Bad-Ang; at PRO7 PDEG chief Lt. Col. Glenn Mayam.

Ayon sa PNP chief ang mga naturang opisyal ay ililipat sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) para iimbestigahan sa “grave misconduct” matapos na mabuko na naglalaro ng golf tuwing Martes, Miyerkules at Huwebes.
Ito ay sa kabila ng direktiba ni Gamboa na nagbabawal sa mga opisyal ng PNP na mag-golf tuwing weekdays, dahil kailangan silang nasa kanilang mga tanggapan sa mga panahong iyon.

Sinabi ni De Leon, kung siya man ang nasa pwesto ni Gamboa ay ipasisibak niya rin ang sinumang pulis na lumalabag sa mga opisyal na kautusan.
Sinabi naman ni De Leon na may sariling panuntunan si Gamboa at ginagalang niya ang naturang pahayag ng PNP chief.

“I joined the CPNP in his decision to relieve 3 officers under me. They violated specific instruction. If I am also in the CPNP’s shoes, I will relieve officers violating clearly stated policies,” mensahe ni De Leon.