-- Advertisements --

VIGAN CITY – Naniniwala ang isang lady senator na nakasalalay sa Department of Health (DOH) ang desisyon hinggil sa pagpapatupad ng lockdown sa buong Metro Manila dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Senate Committee Chairman on Women and Children Senador Risa Hontiveros, sinabi nito na ang DOH ang nakakaalam ng sitwasyon ng buong Metro Manila kaya marapat lamang na ang nasabing ahensya ang magdesisyon.

Sang-ayon naman nito na hindi dapat mag-panic ang publiko at dapat na sumunod sa mga precautionary measure upang hindi maapektuhan ng nasabing sakit.

Idinagdag nito na mahalaga ang tamang panggagabay ng mga concern agency sa publiko lalo pa’t dumarami ang COVID patients sa bansa.

Inirerekomenda rin ni Hontiveros sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng Department of Labor and Employment na ibilin sa mga kompanya na magkaroon ng protective gear, kung hindi maipapatupad ang work from home arrangement.

Mahalaga aniya ang kooperasyon ng DOH at Department of Interior and Local Government sa pagpapakalat ng tamang impormasyon sa publiko.