-- Advertisements --

Ngayon pa lang ay inaabangan na ang pag-commute bukas ni Presidential Spokesman Salvador Panelo papasok ng trabaho.

Kung maaalala, matapos tawaging kahibangan at kalokohan, kumagat na rin si Sec. Panelo sa commute challenge ng mga kritiko.

Una nang hinamon ng Bayan, Anakbayan at Bayan Muna si Sec. Panelo na subukan nitong sumakay ng jeep at makipagsiksikan sa LRT (Light Rail Transit) para maranasan nito ang pahirap na dinadanas araw-araw ng mga commuters.

Sa unang tugon, tumanggi si Sec. Panelo na pumatol sa ganito raw na kahibangan at inihayag na commuter man o nagmamaneho ng sariling sasakyan, lahat naman ay nakakaranas ng aberya at matagal na paghihintay sa daan.

Pero kagabi, kinumpirma ni Panelo na bukas ay magko-commute siya kung saan siya sasakay ng pampasaherong jeep at saka LRT sa pagpunta sa trabaho.