Nanatili muna nang magdamag sa pasilidad ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame ang 81-anyos na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel “Manny” Bonoan sa kabila ng inilabas na order ng Sandiganbayan para sa kanyang pagpapalaya.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Allen Rae Co, hindi kaagad naipatupad ang paglaya ng dating kalihim dahil kailangan pang mag-beripika ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung mayroon pa itong ibang nakabinbing kaso, umiiral na warrant of arrest, o iba pang legal na dahilan para manatili ito sa kustodiya.
Iginiit ni Co na ang naturang proseso ay bahagi ng pamantayang due diligence ng pambansang pulisya upang masigurong walang anumang legal na hadlang bago tuluyang pakawalan ang isang nakadetine.
Paliwanag pa ng tagapagsalita, nagkataong sarado na ang tanggapan ng Sandiganbayan kaya hindi na umabot ang pagproseso at pakikipag-ugnayan para sa mga kinakailangang dokumento at beripikasyon sa naturang araw.
Dahil dito, inaasahang ipoproseso at maipatutupad ang pormal na pagpapalaya sa dating opisyal ngayong Biyernes, Setyembre 4, 2026.















